Kahit na gaano kita gustong makausap nang harapan, nang dahil sa mga pangyayari, napipilit tayong humanap ng ibang paraan para magtagpo at di mapabayaang kumupas ang ating pagkakaibigan.
Ilang linggo na ang lumipas mula nang umalis ka ngunit para sa akin isang siglo na ang nakaraan.
Dinaramdam kong malaman kung ilang hirap ang hinaharap mo ngayon sa bagong yugto ng iyong buhay, kaya nagpasya akong sumulat para sana matulungan kang lampasan ang lahat ng bagay na nagdudulot ng lungkot at takot, para malaman mong hindi ka nag-iisa.
Ang tanong mo sa huli nating pag-uusap, paano nagagawang malumbay ng isang taong napapaligiran ng ibang tao. Nasabi mong marami kang interesanteng taong nakilala ngunit hindi ka pa rin maka-konekta.
Maraming beses ko na iyang nakita. Kahit ako ay naranasan ko na iyan. Ang emosyonal na lumbay ay hindi laging nakatali sa pag-iisa sa lipunan. Maaaring lagi tayong may interaksyon kasama ng ibang tao nang hindi nakakalikha ng intimidad kaya nauuwi din lang tayo sa pagiging mag-isa.
Maaaring sumang-ayon ka pag sinabi kong mahirap maintindihan kung paanong nalulumbay pa rin minsan ang mga tao sa panahon ngayon ng teknolohiya, madaliang komunikasyon, social networking at iba pa. Gayunpaman, parang mas nagkakalayo pa tayo, na talagang nakakalungkot.
Sa totoo lang, lahat ay nangangailangan ng kahit isang taong susuporta sa atin. Isang tao na alam nating may tunay na pagmamahal at pakialam sa atin. Kapag wala tayo ng taong ito, o kung hindi natin nararamdaman o pinapaniwalaang mayroon tayong taong katulad nito, masasaktan at malulumbay tayo uli.
Marahil ay masama ang pakiramdam mo ngayon ngunit maaaring mababaw na pakiramdam lang yan dulot ng bagong buhay na sinisimulan mo. O pwede rin naming seryosong bagay ito. Hayaan mong tanungin kita ng mga sumusunod:
Nagkaroon ka ba ng pisikal na pagbabago? Sa pagkain, sa pagtulog, sa pag-uugali o sa reaksyon?
Sa tingin mo ba ay nagiging mahiyain ka, tahimik o mag-isa?
Na-depress ka ba o laging natutulog?
Tinatanong kita ng mga ito dahil ang mga sagot dito ay makakapagsabi sa atin kung gaano kalalim ang kundisyon mo para makahanap tayo ng solusyon sa pinagdadaanan mo.
Mag-ingat ka ha? Sa pangangailangan mong tanggalin ang ganyang tipo ng damdamin mula sa buhay mo, posible kang dumepende sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa mga taong nagpapakita sa iyo ng munting pagtanggap at pakikisama, na kung hindi ka maingat ay maaaring maging sentro ng buhay mo. Nais kong malaman mo na walang kahit ano o kahit sino ang makakaalis ng damdaming iyan nang tuluyan nang hindi nagdudulot ng mas malaking sakit o pagkasira. Halimbawa, kung nagsimula kang mag-inom, manigarilyo, magdroga, o makipagtalik sa kahit sino, mas magiging masahol ang kalalabasan nito kaysa sa dahilan.
Kaya ano ang ginagawa ko?, marahil tinatanong mo ngayon. Susulatan kita tungkol dyan sa susunod. Sa ngayon pag-isipan mo muna ang sinulat ko, at kumapit ka lang. Andito lang ako!
Ingat ka palagi! Ang kaibigan mo mula sa kabilang panig ng mundo,
Diana!
__________________
Mahal Kong Kaibigan
Kumusta ka na?
Napansin kong mas
mabuti ka na ngayon kahit sinusubok mo pa ring alamin kung paano haharapin ang
mga bagay-bagay. Siyanga pala, napag-isipan mo ba yung mga sinabi ko sayo noong
huling sumulat ako? Nagpahiwatig ka kasing nahulog ka sa isa sa mga
"pamalit" para matanggal ang kalungkutan, at wala kang dapat ikahiya,
pero subukin nating makahanap ng isang permanenteng solusyon, sang-ayon ka ba?
May isang malinaw
na problema sa pagharap sa kalungkutan sa pamamagitan ng mga paraang iyon:
hindi sila nagtatagal; kung napansin mo, pagkatapos na pagkatapos ng
"paunang pakiramdam", nag-iiwan ang mga ito ng mas malalim na butas
sa iyong kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit gusto mong gawin iyon nang
paulit-ulit. Sa ganoong paraan tayo bumabagsak sa mga addiction o pagkagumon -
pinag-uusapan natin, di ba, ang mga bagay na maaari mong pagdependehan? Isa ito
sa mga bagay na pwedeng "mamuno sa iyo", dahil lang ayaw mong
maramdamang ika'y nag-iisa.
Hindi ko na
aaksayahin pa ang oras mo sa paglalarawan ng isang bagay na alam mo na; sa
halip ay ibabahagi ko sa iyo kung ano ang nakatulong sa akin. Alam mo naman na
ako rin ay malayo sa aking tahanan.
Ang unang bagay na
imumungkahi ko sa iyo ay ang pagkakaroon ng plano para sa iyong buhay. Pero
sandali lang, hindi ito ganoon kasimple tulad ng iniisip mo. Kailangan mong
maging tapat sa iyong sarili at magplano nang seryoso. Ang buhay ay hindi
tumitigil sa pagtatapos mo sa kolehiyo, at hindi mo kailangang maging isang
nkayayamot na mayor de edad na pumapasok sa trabaho at umuuwi sa bahay
araw-araw at paulit-ulit lang. Magpasya kang matuto ng mga bagong bagay;
mag-ipon ka para makapaglakbay sa ibang lugar; humanap ka ng mga bagay na
maaari mong abangan. Maniwala ka sa akin, makatutulong iyon nang malaki.
Isa pang bagay na
maaari mong gawin ay sumali sa isang club o sports team, o pumasok sa klase ng
kahit anong paksa. Ang layon nito ay upang makakilala ka ng mga ibang tao at
simulang gumawa ng iba't-ibang aktibidad kasama nila. Mahalaga ring ugaliin na
puno ang iyong iskedyul; huwag mong hayaang magkaroon ng puwang para sa
katamaran dahil kapag wala kang ginagawa, iisipin mo nang iisipin at
kukumplikahin ang mga simpleng bagay sa iyong buhay.
At ang huli, mahal
kong kaibigan, pagtuunan mo ng pansin ang iyong buhay-espiritual; alam mong
hindi ako tagahanga ng relihiyon, pero naniniwala akong kapag lagi kang
nakikipag-usap sa Panginoon sa napaka-personal na antas, ang lahat ay magbabago
at mapapabuti.
Ano kaya kung
gumawa ka ng mga pagbabago, subukan mong gawin ang mga mungkahi ko sa iyo at
mag-usap tayo sa susunod tungkol sa mga resulta? Nais kong malaman kung
nakatulong ba ang mga ito sa iyo, dahil ang gusto ko lang naman ay ang
magkaroon ka ng magandang buhay.
At huwag kang
mag-alala, hindi ko nalimutan ang mga tanong mo tungkol sa emosyonal na
pagdedepende. Susulat ako sa iyo tungkol sa mga iyon sa susunod kong liham.
Kumapit ka lang,
kaibigan. Naririto lang ako para sa iyo.
Nagmamahal,
Diana
Ang iyong
kaibigan sa bandang ito ng mundo.
__________
__________
Mahal
kong kaibigan,
Kumusta
na? Nabasa ko ang iyong liham at ako’y lubos na nasisiyahan na ginagawa mo ng
mahusay ang aking mga payo!
Pinaalala
mo sakin ang aking pangako na kausapin ka tungkol sa kapit na emosyonal;
paumanhin at natagalan ako para makahabol pero sana itong sulat ko ay
makatulong pa rin.
Sa
tingin ko ay sasang-ayon ka na lahat tayo ay kailangan ng isang taong
magpapakita ng pagmamahal at interes sa atin, di ba? Ang katotohanang may
nagmamahal sa’yo ay isa sa mga pinakabigating karanasan dahil nararamdaman mo
na ikaw ay espesyal at may silbi sa buhay na ito. Sa kasamaang-palad, kung
minsan ay pakiramdam natin, walang kusang nagmamahal sa atin, kahit paano sa labas ng ating
pamilya. Tayo’y walang matalik na kaibigan o kahit
malalapit na kaibigan man lang. Ito ay madalas mangyari kung ikaw ay nasa ibang
bansa o bagong kasal o kahit na mayroon
ka nang pamilyang kumukuha ng oras mo, ngunit kung pakiramdam natin ay wala ang
mga taong nagmamahal sa atin, tayo ay malulungkot at mag-iisip ng masama
tungkol sa sarili natin.
Ito ang katotohanan, kung may isang taong darating
at kusa niyang i-aalay ang matagal na nating inaasam, hindi tayo mag-aatubiling
tanggapin siya. Wala na tayong pakiaalam kung sino siya o kung ano ba talaga
ang klase ng pagmamamahal na inaalay niya. Tayo ay parang mga uhaw na nilalang
sa disyerto. At ito kaibigan ko, ang umpisa ng kapit na emosyonal.
Hindi importante kung gaano kaganda ang isang
relasyon sa umpisa, ito ay pwede pa ring makasama sa atin sa huli kung hindi
tayo maging maingat sa pag-alaga nito.
Marahil ay nagtatanong ka kung paano makikilala
ang isang emosyonal na pagkapit. Ito ay nangyayari kung iniisip natin na ang
presensya ng isang tao ay sapilitan para ligtaas at kuntento tayo.
Ngayon pag-usapan pa natin ito ng malaliman at
subukan nating isipin ang mga taong nagbigay sa atin ng ganoong pakiramdam.
Huwag nating isama ang ating mga magulang dahil natural lamang na kailanganin
natin sila sa ating buhay. Kahit na sobra pa ang ating kapit sa kanila, hindi ito
kaso, okey?
Isipin natin ang mga taong nakapaligid sa’yo at
tignan natin kung ang iyong relasyon sa kanila ay akma sa kung anong
nakalarawan sa ibaba:
· Selos. Ang ibig kong sabihin ay ang pakiramdam na gusto nating angkining
mag-isa ang isang tao at nagdaramdam tayo kung ang taong ito ay may kasamang
iba.
· Gusto nating gugulin ang mahabang oras makasama lamang ang taong ito.
Kung hindi man mangyari ay masama ang ating
nararamdaman.
· Kung lalayo siya, tayo ay magagalit o madedepress o kaya naman ay kung busy
siya at hindi natin siya makasama sa haba ng oras na gustuhin natin.
·
Kung iniisip natin na hindi na natin kailangan pa ng ibang kaibigan at
hindi man lang tayo lumalapit sa iba.
·
Gustong maranasang maikama ang taong ito na nagdudulot ng mga pantasya.
·
Binibigyang pansin natin masyado ang kanyang hitsura, ugali, interes at
iba pa.
· Binibigay natin ang ating katawan bilang pagpakita ng ating pag-ibig
kahit na ito’y lagpas na sa kung anong dapat.
·
Hindi natin makita ang kanilang pagkakamali kahit na nakikita na ng iba.
Kung ikaw, aking kaibigan
ay may relasyon na ganito sa isang tao, ibig sabihin ikaw ay may kapit na emosyonal
sa taong ito.Mahirap tanggapin na siguro
ay hindi naman talaga natin mahal ng malalim at tapat ang isang tao kundi ito
ay dulot lamang ng ating takot na mawala
siya sa ating buhay. Mahirap tanggapin na maaring pinayagan natin ang ating
buong mundo na umikot lamang sa taong ito at ang ating buhay ay magiging
kawalan kung hindi na natin siya nakikita. Ito ay isang mahabang liham pero pwede pa rin
naman nating pag-usapan sa susunod kung ano ang solusyon ditto diba? Ako ay natutuwang nakakausap ka. Masaya ako
na ang ating pagkakaibigan ay malakas at tapat.
Ingat aking kaibigan;
-Diana
No comments:
Post a Comment